LEGAZPI CITY – Mahigit P400,000 halaga ng shabu ang nakumpiska ng mga otoridad sa ikinasang buy bust operation sa Brgy. San Rafael, Bulan, Sorsogon.
Nagresulta ang naturang operasyon sa pagkakaaresto ng isang drug personality na kabilang pa sa regional calibration database on illegal drugs.
Ayon kay Police Lt. Rudy Divinagracia, deputy chief of police ng Bulan Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, mahabang panahon na sinubaybayan ang kilos at aktibidad ng mga suspek upang masigurong magiging matagumpay ang pag-aresto laban dito.
Hinihinala naman na ang nasa 60 grams ng shabu na nakumpiska mula sa naturang drug personality ay ipapakalat sa ilang bahagi ng lalawigan.
Sa kasalukuyan ay nananatili sa Bulan PNP ang naturang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban dito.
Kaugnay nito ay siniguro ng opisyal na magpapatuloy ang kapulisan sa paglaban sa problema sa iligal na droga.
Dagdag pa ni Divinagracia na isolated na lamang ang naturang insidente lalo pa at nasa proseso na ngayon ang bayan ng Bulan upang tuluyang maideklara bilang drug cleared municipality.
Samantala, nagpasalamat naman ang opisyal sa patuloy na kooperasyon na ibinibigay ng komonidad sa paglaban sa ipinagbabawal na gamot.