Umaapela ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa Kamara na pagbigyan ang hiling nilang karagdagang pondo para sa susunod na taon upang masolusyunan ang ilang milyong backlog nila sa passport renewal.
Sa pagdinig ng Kamara hinggil sa 2022 proposed P5.024-trillion national budget, sinabi ni DFA Usec. Brigido Dulay na nangangailangan sila ng P53.368 million para sa mga binuksan nilang Temporary Off-site Passport Services (TOPS) ngayong taon.
Sa kanilang tantiya, sinabi ni Dulay na 3 hanggang 4 million ang backlog nila sa passport renewal dahil sa nalimitahan din ng COVID-19 pandemic ang kanilang operation sa nakalipas na 18 buwan.
Ayon kay Dulay, nais nilang madagdagan sa susunod na taon ang 10 TOPS na kanilang binuksan kamakailan para mapabilis ang pagtugon nila sa pangangailangan ng mga siniserbisyuhang Pilipino.
Sinabi ni Dulay na kinakapos na sila ng pondo para sa operation ng mga binuksan nilang TOPS sa mga nakalipas na buwan dahil ang pondong ginagamit aniya nila para rito ay hinango mula sa kanilang existing funds sapagkat ang proyektong ito ay non-GAA.
Base sa datos ng DFA, 4.8 million Pilipino ang naserbisyuhan nila noong 2019, subalit bumaba ito sa 1.7 million lamang noong nakaraang taon dahil sa pandemya.