Tiniyak na ng Bureau of Customs (BoC) na tuloy-tuloy ang kanilang kampanya laban sa mga smugglers kasunod ng pagkakasabat ng mahigit P186 million na halaga ng mga smuggled na sigarilyo sa Manila International Container Port (MICP).
Ayon kay MICP District Collector Romeo Allan Rosales, aabot sa 6,249 master cases ng hindi deklaradong sigarilyo ang kanilang nasabat sa MICT at nakasilid sa pitong containers.
Ito na umano ang pinakamalaking huli ng BoC sa mga smuggled na sigarilyo ngayong taon na mayroong kabuuang halagang P186.9 million.
Inihahanda na sa ngayon ng BoC ang mga kasong paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) at iba pang paglabag gaya ng National Tobacco Administration (NTA) at Bureau of Internal revenue (BIR) rules and regulations.
Noong mga nakaraang buwan nang masabat din ng BoC ang mga smuggled na sigarilyong nagkakahalaga ng P32.7 million.
Dahil dito, lumobo na sa P219.6 million ang kabuuang halaga ng mga sigarilyong tinangkang ipasok ng iligal dito sa bansa.
Sa kabila naman ng pagkakasabat sa milyon-milyong halaga ng kontrabando ay siniguro ng BoC na mas paiigtingin pa nila ang kanilang pagbabantay sa teritoryo at ekonomiya ng bansa mula sa mga smugglers na nagsasagawa ng mga iligal na aktibidad.