CEBU CITY – Sa kulungan ang bagsak ang isang pinaniniwalaang drug supplier matapos itong makuhanan ng mahigit P11 million halaga ng pinagbabawal na gamot sa isinagawang buy bust operation sa Brgy. Duljo Fatima sa lungsod ng Cebu.

Kinilala ang high value target na si Richard “Bugtong” Barbosa, 23, isang habal-habal driver at residente ng nasabing lugar.

Ayon sa hepe ng Mambaling Police Station na si Capt. Francis Renz Talosig, isinailalim muna sa mahigit isang buwang surveillance si Barbosa bago isinagawa ang naturang operasyon.

Dagdag pa ni Talosig, nasa Cebu City ang area of distribution ng naturang bigtime drug personality.

Napag-alaman din ni Talosig na si Barbosa ang umano’y supplier ng milyon-milyong halaga ng droga na nasabat mula kay Orsolino Alfafara noong buwan ng Abril.

Kaya naman nakuhanan si Barbosa ng halos dalawang kilo ng pinaniniwalaang shabu at nagkakahalaga ito ng P11.4 million.

Nakakulong na ang nasabing subject sa Mambaling Police Station at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.