BAGUIO CITY – Arestado ang isang drug personality sa isinagawang buy-bust operation laban dito na nagresulta sa pagkumpiska sa kanya ng higit 27 grams ng pinaniniwalaang shabu.

Isinagawa ang operasyon sa Abatan, Buguias, Benguet kung saan nahulog sa kamay ng mga pulis ang subject na isang lalaki, tubo ng Balili, Mankayan, Benguet at residente ng New Lucban, Baguio City.

Ayon sa pulisya, unang nakumpiska sa nasabing indibidual ang apat na pakete ng pinaniniwalaang shabu at ilang drug paraphernalia.

Tinatayang 18.36 grams ang bigat ng nakumpiskang kontrabando na may halagang aabot sa P125,000.

Nakumpiska pa mula sa subject ang isang ring box na naglalaman ng apat pang pakete ng pinaniniwalaang shabu na may bigat na 8.96 grams at halagang aabot sa P61,000.

Sa ngayon, nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.