Mahigit 800 katao ang sinita ng Quezon City Police District (QCPD) sa ikinasang surpise joint “one-time-big-time” operation dahil sa paglabag sa face mask ordinance ng Pamahalaang Lungsod.

Ayon kay Department of Public Order and Safety (DPOS) head Gen. Elmo San Diego, nilabag ng 874 katao ang Executive Order No. 25 at City Ordinance No. 2936 , na nag-oobliga sa palagiang pagsuot ng face masks sa mga pampublikong lugar sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Dinala aniya ng QCPD police ang mga violators sa Amoranto Sports Complex, para sa proper documentation at seminar sa kung paano ang dapat na pagsuot ng face mask.

Kaagad namang pinakawalan ang mga ito pagkatapos ng documentation process, maliban na lamang sa dalawa na may standing warrant of arrest sa kasong attempted murder at robbery.

Sa ngayon, inihahanda na ng lokal na pamahalaan at ng QCPD ang kasong ihahain laban sa mga lumabag sa ordinansa.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 2936, ang mga lalabag ay pagmumultahin ng P1,000, P2,000 at P3,000 para sa first, second at third offense.

Nauna nang nananawagan si Mayor Joy Belmonte sa mga residente na palaging magsuot ng face mask upang sa gayon ay maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.