fake cigar
Fake Cigar

TACLOBAN CITY — Aabot ng P7.4 million na halaga ng pekeng sigarilyo ang nasabat ng mga otoridad galing sa isang container van na pagmamay-ari ng dalawang Chinese nationals sa Sitio Ugpong, Barangay Santol, San Miguel, Leyte.

Nadakip ng mga pulis ang mga suspek na sina Lee Tsai Fah, 47 anyos,naninirahan sa Barangay Nula-Tula, Tacloban City at si Arvin Sy, 24 anyos, residente naman ng Barangay Buntay, Tanauan, Leyte.

Ayon kay PCPT Gary Zaldy Ligutan, hepe ng San Miguel PNP na nakatanggap sila ng report na meron daw isang container van na matagal ng nakatengga sa liblib na parte ng nasabing bayan.

Nang ininspeksyon ito, napag alaman na ginagawa pala itong bodega ng mga peke nga sigarilyo.

Wala namang maipakitang dokumento ang dalawang dayuhan kaya’t kinumpiska ng mga otoridad ang aabot sa 369 na kahon ng mga kontrabando.

Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng San Miguel PNP ang mga tsinong suspek at nahaharap sa patong patong na kaso.