-- Advertisements --

Aabot na sa mahigit 70,000 adverse reactions ang naitala ng pamahalaan sa mahigit 59 million COVID-19 doses na naituturok sa bansa mula noong Marso.

Ayon kay Food and Drugs Administration (FDA) Director General Eric Domingo, aabot sa 76,837 ang reported adverse events, kung saan 3,874 ang serious events.

Ang total tally na ito ay maituturing pa rin aniyang mababa dahil ito ay katumbas lamang ng 0.1 percent ng 59 million vaccinations.

Nagpapatunay lamang aniya ang bilang na ito na talagang ligtas ang COVID-19 vaccines na ginamit ng pamahalaan.

Sinabi ni Domingo, karamihan sa mga adverse effects pagkatapos na maturukan ng COVID-19 vaccines ay ang pananakit ng bahagi ng katawan kung saan ito itinuro, high blood pressure, at pagkakaroon ng allergies.

Marso ng kasalukuyang taon nang unang gumulong ang COVID-19 vaccination ng pamahalaan, habang kamakailan lamang ay inilunsad naman ang pagtuturok ng booster shots sa ilang piling indibidwal pa lamang.