Daan-daang galit na mamamayan ng Hong Kong ang sumugod sa mga kalsada kasabay ng paggunita ng estado sa ika-23 taon ng kasunduan sa pagitan ng Britanya at China.

Ngayon din ang kauna-unahang araw na ipinatupad ang kontrobersiyal na national security law sa lungsod kung saan mahigit 70 katao kaagad ang inaresto matapos silang sumali sa isinagawang kilos-protesta.

Sa isinagawang press briefing ni Hong Kong Chief Executive leader Carrie Lam, tahasan nitong inako ang naganap na civil unrest noong mga nakaraang buwan.

Aniya, ang naturang batas ay nagpapakita umano ng pagiging kumpyansa ng Beijing para pamunuan ang Hong Kong.

Nagpaalala rin si Lam na ang international human rights treaties na umiiral sa Hong Kong ay maaaring gamitin upang protektahan ang national security ng teritoryo.

Hindi naman sumagot si Lam nang tanungin ito kung mayroon siyang pagsisisi dahil bigo ang kaniyang administrasyon na unang ipatupad ang national security law sa Hong Kong bago pa man kumilos ang Beijing.