Umabot na sa mahigit 7,000 indibidwal ang apektado ng phreatic explosion ng Taal Volcano kahapon, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong araw.

Sinabi ng NDRRMC sa kanilang 6 A.M report, 966 pamilya o 7,742 indibdwal ang kasalukuyang pansamantalang nanunuluyan sa 38 evacuation centers.

Ang mga pamilyang ito ay pawang mula sa San Nicolas, Talisay, Tanauan City, Mataas na Kahoy, Balete, Lipa City, at Laurel, Batangas.

Kabilang din dito, ayon sa NDRRMC, ang ilang residente mula Tagaytay City.

Dagdag ng ahensya na pansamantalang isinara ang Talisay-Tagaytay Road sa CALABARZON (Cavite-Laguna-Batangas-Rizal-Quezon) dahil sa evacuation ng mga residente.

-- Advertisement --

Una rito, napaulat na bumuga ng lava ang Taal Volcano kaninang bandang alas-3:00 ng madaling araw.

Ayon sa PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology ), ang pinakahuling activity ng bulkan ay maituturing bilang low-level eruption.

Itinaas na ang Alert Level 4 sa Taal Volcano na nangangahulugang malaki ang posibilidad nang pagkakaroon ng mapanganib na eruption sa mga susunod na oras o araw.