Kabuuang 55,415,753 indibidwal o 71.84 percent na ng target population sa Pilipinas ang naturukan na ng first dose ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccine hanggang nitong Disyembre 1.
Itoy’y ayon sa National Task Force (NTF) against COVID-19 kung saan sa mahigit 55 milyong katao na nakatanggap ng first dose, 36,869,419 dito ang fully vaccinated na sa ngayon.
Kaugnay nito, inaasahan ng NTF chief implementer at vaccine czar Secretary Carlito G. Galvez, Jr., na madadagdagan pa ang bilang na ito lalo’t kamakailan lang ay inilunsad ng pamahalaan ang “Bayanihan, Bakunahan” national vaccination drive.
Base sa datos ng NTF, ang Metro Manila ang may pinakamataas na vaccination coverage kung saan 112.16 percent ng target population dito ay nakatanggap na kahit ng isang dose pa lang ng COVID-19 vaccine.
Anim pang mga rehiyon ang lampas na rin sa 70 percent ng kanilang target population ang nakatanggap na kahit ng first dose pa lamang, kabilang na ang: Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, at Northern Mindanao.
Nabatid na sa “Bayanihan, Bakunahan,” ay aabot na sa 7,628,432 doses ang naiturok sa unang tatlong araw nito.