Nakatakdang dumating sa mga susunod na buwan sa bansa ang 5,300 Filipino transferees mula Sabah, Malaysia, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ng DSWD na P39 million ang kanilang inilaan na pondo para matulungan ang mga Filipino transferees na ito, na nakatakdang darating ng bansa sa magkakahiwalay na batch.
Ayon sa kagawaran, inorginisa ng Movement Control Order (MCO) ng Malaysian government ang transfer na ito para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Bago payagan na makabiyahe puwi ng Pilipinas, sinabi ng DSWD na sasailalim muna ang libu-libong Filipino transferees sa reverse transcription polymerase chain reaction (RT-PCR) test.
Tanging iyong mga magnenegatibo lamang sa COVID-19 test ang papayagan na dalhin papuntang Tawi-Tawi at Zamboanga City bilang mga main drop-off points.
Nakipag-ugnayan na ang kagawaran sa mga opisyal ng Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi provinces at ng city government ng Zamboanga para sa pagdating ng mga Filipino transferees.
Nakahanda na rin ang transfer at referral para sa proper accommodation at health facilities ng mga transferees na nakatira sa labas ng main drop-off points.
Nabatid na magbibigay ng financial assistance ang BARMM Ministry of Social Services sa mga Filipino transferees na ito.