-- Advertisements --

Kasalukuyan pa ring apektado ang mahigit 370,000 indibidwal o mahigit 80,000 pamilya kasunod ng pananalasa ng bagyong Kiyapo sa bansa.

Matatandaang tatlong araw na ang nakalilipas mula nang lumabas mula sa teritoryo ng Pilipinas ang bagyo noong madaling araw ng Sabado, Hulyo 25. Nagdulot ito ng matinding mga pagbaha at pagguho ng lupa sa ilang parte ng Northern Luzon.

Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Martes, Hulyo 28, mahigit 6,000 indibidwal o mahigit 1,500 pamilya ang nanunuluyan pa rin sa mga evacuation center.

Nananatili naman sa tatlo ang bilang ng mga nasawi mula sa Davao at Sarangani habang isa pang indibidwal ang napaulat na nawawala sa Sarangani.

Nag-iwan din ng pinsala ang bagyo sa 678 kabahayan.

Bilang tugon, nakapamahagi na ang pamahalaan ng mahigit P20 milyong tulong para sa mga apektadong residente.