-- Advertisements --

Mahigit 3,000 negosyo sa bansa ang nag-abiso na sa Department of Labor and Employment (DOLE) na sila ay pansamantalang magsasara sa gitna ng COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) crisis.

Ayon kay Labor Sec. Silvestre Bello III, bagama’t wala pa namang kompanya sa bansa ang naghain ng kanilang bankruptcy, mahigit 200 naman ang nagsabi sa DOLE na sila ay magsasara na.

Muling binigyan-diin ng kalihim na nasa humigit-kumulang 2.7 million manggagawa ang apektado ang kabuhayan dahil sa COVID-19 crisis.

Base sa datos na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), 7.3 million ang nawalan ng trabaho noong Abril dahil sa economic impact ng pandemya pero ayon kay Bello, ito ay base lamang sa mga survey at hindi sa actual reports.

Dahil dito, umaasa si Bello na magbibigay ulit ang Kongreso ng amelioration fund para matulungan ang mga apektadong manggagawa.

Mababatid na noong nakaraang buwan ay inaprubahan ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang P1.3 trillion economic stimulus package, para matulungan ang pamahalaan na makabangon sa economic impact ng public health crisis.