Pinayagan nang makabiyahe ulit ang nasa 2,200 UV Express units sa 20 ruta sa Metro Manila.
Sa ngayon, kabuuang 2,248 UV Express units na ang pinayagang makabalik sa kanilang biyahe base sa Memorandum Circular No. 2020066 ng LTFRB.
Pero sa kabila nito, dismayado pa ang mga drivers at operators dahil hindi pa rin sapat ang kanilang kinikita sa kasalukuyan.
Sinabi ni Erwin Tiglao, driver-operator at supervisor sa isa sa mga pinayagan nang ruta ng UV Express sa Metro Manila, na hindi pa rin sapat ang kinikita ng mga kapwa niya tsuper dahil kinailangan nilang magbawas ng passenger capacity para mapanatili ang pagsunod sa health at safety protocols sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Para sa 18 maximum passenger capacity per unit, binawasan ito ng kalahati dahil sa one-seat-apart policy.
Gayunman, nagpapasalamat pa rin sina Tiglao dahil pinahintulutan na silang makabalik sa operasyon makalipas ang ilang buwang tigil-pasada.