LA UNION – May kabuuan nang 2,427 repatriated OFWs mula sa iba’t ibang bansa ang nakauwi na sa kani-kanilang lugar sa Ilocos Region sa tulong ng ‘Hatid Probinsiya” program ng pamahalaan.

Pinapangunahan ito ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) kasama ang iba pang ahensiya.

Sa pinakahuling ulat mula sa OWWA Region 1, karamihan sa mga nakauwi nang pinoy workers abroad ay sa Pangasinan na umaabot na sa 1,377; La Union – 419; Ilocos Sur – 336; Ilocos Norte – 251; at 44 na OFWs mula lalawigan ng Abra ang naihatid na rin ng OWWA Region 1.

Samantala, inaasahan na sa susunod na buwan ng Hulyo ay may darating nang pondo ng Department of Labor and Employment (DOLE)-Region 1 para maipagpatuloy ang pagtulong sa mga OFWs na nawalan ng trabaho sa ibang bansa dulot ng COVID-19 pandemic.

Sa tulong ng DOLE-AKAP program, umaabot na sa 5,000 displaced OFWs sa rehiyon ang nabigyan na ng cash aid at halos P57-million na ang ginugol na pondo.