Pumalo na sa mahigit 2,600 ang bilang ng mahihinang lindol ang naitala sa Mindanao kasunod ng serye ng mga malalakas na pagyanig noong nakaraang linggo.

Sa isang panayam, sinabi ni Philippine Institute for Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum na ang mga faults sa Cotabato area ay magkakalapit sa isa’t isa.

Dahil dito, kapag gumalaw ang isang fault ang iba pa ay gagalaw din kaya nagkakaroon ng pagyanig.

“Noong nagkaroon ng lindol na magnitude 6.2 noong October 16, mukhang naitulak niya ‘yung isang bahagi ng isang fault, yung M’lang Fault, na nag-trigger ng 6.6-magnitude earthquake noong October 29. Pagkatapos nito, ‘yung kapitbahay niyang Makilala Fault ay gumalaw at nagdulot ng magnitude 6.5 (earthquake),” ani Solidum.

“’Yung pagkilos ng mga fault diyan na magkakalapit ay nagdulot ito ng maraming maliliit o katamtamang lindol na mahigit 2,600 na ang naitala nating paglindol sa Cotabato at kalapit na probinsiya,” dagdag pa nito.

Ayon kay Solidum, kapag magresulta ang paggalaw ng fault sa isang malakas na lindol, hindi na ito masusundan pa ng pagyanig na may kaparehas na magnitude.

Magugunita na noong Oktubre 31 lang ay niyanig ng magnitude-6.5 na lindol ang ilang bahagi ng southern bahagi ng Pilipinas, kasunod ng mga naitala noong Oktubre 29 at 16.