Nasa 120,000 pulis sa buong bansa ang ipapakalat ng Philippine National Police (PNP) para magbigay seguridad sa muling pagbubukas ng klase sa mga paaralan.

Ito’y bilang bahagi ng Ligtas Balik-Eskwela 2019.

Ngayong araw, nagsimula na ang Brigada Eskwela.

Ayon kay PNP Chief Oscar Albayalde, kasama sa deployment ang mga pulis na magmamando sa mga itatayong police asssitance desk sa bisinidad din ng paaralan para magtiyak ng seguridad ng mga estudyante.

Mahigpit ding babantayan ng mga pulisya ang mga drug traffickers na magtatangkang magbenta ng iligal na droga sa mga mag-aaral.

Patuloy naman ang pakikipag ugnayan ng PNP sa mga administrator ng paaralan, gayundin sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education.

Kaugnay nito, nananatili sa full alert status ang PNP sa nalalapit na pagbubukas muli ng klase.

Batay sa DepEd memorandum na may petsang April 22, inanunsyo ni Education Sec. Leonor Briones ang pagsisimula ng klase sa parehong public elementary at high school sa June 3.

Habang April 3, 2020 naman magsasara ang klase.