LEGAZPI CTIY – Hawak na ngayon ng mga otoridad ang isang mataas na opisyal ng New People’s Army (NPA) matapos na maaresto sa operasyon ng pinag-isang pwersa ng militar at kapulisan sa Placer, Masbate.
Nagtatago umano si Chito HuligaƱga sa maraming pangalan kabilang na ang Ogos, Agos, August, Leo, Miguel, Mario, at Zardo ng National Operations Command (NOC) ng rebeldeng grupo.
Si Huliganga ang sinasabing in-charge sa superbisyon ng mga training at overall implementation ng tactical operations ng mga rebelde kaya’t naniniwala si Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Infantry Brigade na nasa Masbate ito upang subukin na muling palakasin ang pwersa sa lugar.
Malaking dagok umano sa naturang grupo ang sunod-sunod na mass surrenders sa lalawigan ng mga rebelde.
Mismong mga residente rin ang nagpaabot sa mga awtoridad ng impormasyon sa presensya ng kaduda-dudang indibidwal sa Barangay Nainday na agad nirespondehan at nasamsam pa ang isang caliber .45 pistol, hand grenade, gadgets, flashdrives, wifi adapter at terroristic propaganda materials.
Itinuturing din na high-value target si Huliganga na may tatlong standing warrants of arrest sa mga kasong double murder with frustrated homicide gayundin ng pag-iingat at pagbebenta ng mga armas at pampasabog.
Una na ring naaresto ang lima pang personalidad na nakikituloy sa isang bahay sa bayan ng San Jacinto nitong nakalipas na weekend.