CAGAYAN DE ORO CITY – Naihatid na sa kanyang huling hantungan ang tinaguring hero cop ng Misamis Oriental na si Police Senior Master Seargent Jason Magno.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng pamilya Magno ang mga taong nakiisa sa kanilang pagluluksa sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.

Sinabi ng nabiyudang si Vivian Magno, na nakapagpalakas sa kanilang loob ang ipinapakitang buhos na suporta ng maraming tao.

Maging si Pangulong Rodrigo Duterte at si Philippine National Police officer-in-charge chief Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa ang pumunta sa lamay at nagbigay ng parangal sa “hero cop.”

Marami ang humanga sa ipinakitang kabayanihan ni Magno dahil sa pagsakripisyo ng kanyang sarili sa pagsabog sa Initao College sa Jampason Initao nitong lalawigan upang mailigtas ang 16 na katao na kinabibilangan ng mga estudyante at kasama niyang pulis.