-- Advertisements --

Bukod sa mga ospital, pinalalakas din daw ng Department of Health (DOH) ang pwersa ng ilan pang pasilidad sa bansa na ginagamit para sa respondehan ang sitwasyon ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, bahagi ito ng hakbang na kanilang ginagawa para mapigilan ang tuluyan pang pagkalat ng sakit sa bansa.

Nitong Martes nang sabihin ng ilang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na posibleng umabot nang higit 100,000 ang COVID-19 cases sa pagtatapos ng Agosto.

“We continue to preapare our health system so that if and when these kind of surges happen we will be prepared,” ani Vergeire.

“Kailangan lang maging cooperative lahat ng ating mga components ng health system so that we will be able to cope dito sa ganitong pangyayari.”

Kinikilala naman daw ng DOH ang inilalabas na projection ng mga eksperto, pero dapat pa rin umanong maging maingat sa interpretasyon nito.

Ayon sa opisyal, may mga factors o pangyayari pa rin na pwedeng makaapekto sa mga modelong ginamit ng mga eksperto.

“That serves something that we can refer to kapag nag-a-analyze kami pero kailangan nating i-interpret with caution kapag estimates,” ani Vergeire sa media forum noong Lunes.

Nakausap na ng DOH ang opisyal ng ilang ospital sa Metro Manila, na may pinakamaraming kaso ng sakit sa bansa, para gabayan sa alokasyon ng kama sa COVID-19 patients.

“Also, we are strengthening our health human resources augmentation. Sa katunayan mayroon na tayong 5,000-plus (human health resource) na na-deploy. Mayroon pa tayong ibang na-approve for slots na hiring.”

Kabilang sa mga pasilidad na nakikinabang sa human health resource deployment ang mga laboratories, quarantine facilities, swabbing areas, at primary care facilities.

Nitong Huwebes pumalo sa 51,754 ang total ng COVID-19 cases sa Pilipinas dahil sa 1,395 na mga bagong kaso ng sakit.