BAGUIO CITY – Inamin na ng pamunuan ng Philippine Military Academy (PMA) na hazing ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng isang kadete nila nitong Miyerkules.

Sa press conference ng PMA at ng Baguio City Police Office, sinabi ni PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evangelista na batay ito sa resulta ng forensic autopsy na isinagawa ng crime lab ng pulisya.

Una nang nakilala ang kadete na si Cadet 4CL Darwin Dormitorio, 20-anyos, mula Cagayan De Oro City at nasa Echo Company.

Aniya, tatlong upperclass ni Cadet Dormitorio ang iniimbestigahan na nila dahil sa nasabing hazing.

Sa ngayon ay nasa holding center na ng akademya ang isang cadet first class at dalawang cadet third class kung saan nahaharap ang mga ito sa kasong kriminal at administratibo dahil sa paglabag nila sa Republic Act 11053 o ang Anti-Hazing Act of 2018.

Iniimbestigahan pa ng PMA ang 20 pang kadete na mga testigo dahil napag-alaman na kasama ang mga ito nang isagawa ang hazing.

Inaalam din ng akademya ang identity ng iba pang kadete o plebo na mga kasama ni Cadet Dormitorio na isinailalim sa hazing.

Unang napabalitang cardiac arrest secondary to internal hemorrhage ang initial findings sa pagkamatay ni Cadet Dormitorio kung saan nagsusuka ito habang nasa loob ng kanilang barracks kasabay ng pagrereklamo nito ng pagsakit sa tiyan.

Dinala ito sa PMA Station Hospital para magamot ngunit namatay din ito.