james harden
James Harden/ Photo courtesy of NBA

Humataw si James Harden ng 38 points at 10 rebounds para tulungan ang Houston Rockets na talunin ang Golden State Warriors, 112-108, sa Game Four at itabla sa 2-2 ang kanilang Western Conference semifinal series.

Abanse pa ng siyam ang Rockets bago isalpak ng Golden State ang sunod na pitong puntos, na tinapos ng tres ni Stephen Curry, para makahabol sa 110-108 ang Warriors sa huling 19 segundo.

Pagpatak ng nalalabing 11.5 segundo, naipasok ni Harden ang isa sa dalawa nitong free throws, at nagmintis naman ang pinakawalang tres ni Kevin Durant matapos nito.

Bagama’t nakuha ng Warriors ang rebound, pumalya rin ang pagtatangka ni Curry sa 3-point line at napuwersa silang ma-foul si Chris Paul.

Naipasok naman ni Paul ang isa sa kanyang dalwang free throws sa natitirang 2.9 segundo upang selyuhan ang panalo ng Houston.

Umiskor ng 20 points si Eric Gordon, at si PJ Tucker na pumoste ng 17 points at 10 rebounds para buhatin ang Rockets.

Lumikha ng 17 of 50 3-point attempts ang Houston, habang mayroon lamang 8 of 33 ang Warriors sa downtown.

Hindi naman nagbunga ang 34 points ni Kevin Durant, maging ang 30 points ni Stephen Curry para sa defending champions.

Dadalhing muli sa Oracle Arena ang Game 5 sa araw din ng Huwebes.