-- Advertisements --

Halos 3,000 indibidwal ang na-rescue ng Search, Rescue and Retrieval (SRR) teams ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nuong kasagsagan ng bagyong Ulysses.

Ayon kay AFP Public Affairs Office chief Captain Jonathan Zata, nasa 2,27 ang kabuuang mga nailigtas ng militar sa National Capital Region, lalawigan ng Rizal at Bicol region.

Nakarekober din ng mga sundalo ang walong patay sa Bicol Region, Region 4A at Zambales habang siyam ang naitala nilang nawawala.

May kabuuang 3,777 AFP personnel kabilang ang 147 opisyal, 2,451 enlisted personnel, 550 CAFGUs at 629 na reservists na May 303 land vehicles, 32 watercrafts, 12 aircrafts, at 6 na naval assets ang naka-deploy para umalalay sa mga local government units sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations.

Siniguro naman ni AFP chief of staff Gen. Gilbert Gapay na magpapadala ang AFP ng mga relief missions sa mga lugar na apektado ng nagdaang bagyong Rolly at “Ulysses,” bilang bahagi ng kanilang “Tulong Bayanihan” program.

Sinabi ni Gapay, sa ilalim ng programa, ang mga kampo ng militar sa iba’t ibang panig ng bansa ang magsisilbing drop-off point ng mga donasyon, na ihahatid naman ng mga sundalo sa mga apektadong komunidad.

Tatanggap aniya sila ng mga food at non-food donations mula sa mga indibidwal o organisasyon na nais tumulong sa mga biktima ng kalamidad.