Reading Time: 1 minute

LAOAG CITY – Nagtamo ng sugat sa iba’t’-ibang bahagi ng katawan ang 14 na katao matapos bumaliktad ang sinasakyang L200 pick-up sa Sitio Barungobong, Barangay Dipilat sa Vintar, Ilocos Norte.

Nakilala ang mga biktima na si John Lester Acosta, Tessie Acosta Tagatac, Jaymar Acosta, Gina Acosta, Jhon Paul Madriaga Acosta, at Jane Acosta Raguirag, pawang residente ng Barangay 32 Corocor sa bayan ng Bacarra; gayundin sina Willy Bacud Tagatac, Edmund Agustin, Keith Camille Vega Tagatac, Jaiden Joash Calzada, Jasmine Agbayani, Aprilyn Lopez, Samantha Lopez, at Loida Barut.

Ayon sa Vintar-Philippine National Police, habang binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng nasabing daan, ay sinabi ng driver na si John Lester Calzada, 24-anyos na magsasaka, walang asawa, at residente ng Barangay 26, Canaam, na nawalan ng preno ang sasakyan.

Ang ginawa ng driver, imbes na sa bangin na mahuhulog ang sasakyan ay kinabig nito kaya tumama sa gilid ng budok at bumaliktad.

Patungo sana ang mga biktima sa isang lamay sa Barangay Canaam nang mangyari ang insidente.

Kaagad namang naitakbo ang mga biktima sa Gov. Roque Ablan Senior Memorial Hospital.

Napag-alaman na dalawa sa mga ito ay na-confine habang ang iba a ynakalabas na sa ospital.