IMG 20191015 110738

Naniniwala ang mga supporters ni dating Sen. Bongbong Marcos na delaying tactics ang naging pasya ng Supreme Court (SC) na atasan lamang ang Presidential Electoral Tribunal (PET) na ilabas ang committee report sa resulta ng bilangan sa tatlong pilot provinces na iprinoprotesta ni Marcos imbes na desisyunan na ito.

Ito na kasi ang ika-apat na pagkakataon na ipinagpaliban ng SC ang pagpapalabas ng desisyon sa election protest ni Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Sinabi ni Ronnie Orellosa, Marcos Loyalist Movement Public and Media Relations Officer na nakakadismaya ang naging aksiyon ng mga Supreme Court associate justices dahil sa loob aniya ng tatlong taon na paghihintay sa desisyon ay ganito pa rin ang nangyari.

Maalalang sa ipinatawag ni SC Spokesman Atty. Brian Hosaka ay sinabi nitong pansamantala munang bibigyan ng PET ng kopya ng committee report ang magkabilang kampo pero tumanggi na ihayag ito sa media o sa publiko ang nilalaman ng dokumento.

IMG 20191015 110751

Binigyan naman ng 20 days ang magkabilang kampo kapag natanggap ang kopya ng committee report ay para magsumite ng kanilang komento at memorandum.

Kasabay nito, nananawagan sa PET ang nasabing grupo na sana ay panindigan ang katotohanan at pag-aralang mabuti ang mga ebidensiyang isinumite ni Marcos.

Dapat din daw na hindi magpaimpluwensiya o magpa-pressure ang mga mahistrado at tingnan na lang ang tibay ng mga nakahaing ebidensiya.