ILOILO CITY – Dead on arrival ang isang security guard ng ma-hit and run ito ng pribadong sasakyan o SUV sa Sen. Benigno Aquino Jr. Avenue, Mandurriao, Iloilo City.

Ang biktima ay kinilalang si Jemar Celebrado, 39, ng San Isidro, Lapaz.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Master Sergeant Alfredo Mosamong Jr. traffic investigator ng Mandurriao Police Station, sinabi nito na papunta na sana ang biktima sa kanyang trabaho gamit ang kanyang bisekleta.

Ayon kay Mosamong, nagtamo ng malalang sugat sa ulo ang security guard dahilan ng kanyang pagkamatay.

Sa ngayon, patuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Mandurriao PNP upang matukoy ang driver ng SUV na kaagad namang tumakas matapos ang insidente.