Reading Time: 1 minute

ILOILO CITY – Emosyonal na tinanggap ng pamilya ng mga nasawi sa Iloilo Strait tragedy ang financial assistance na ibinigay ng OVY Foundation at Ceres Liner sa pamamagitan ng Bombo Radyo Iloilo.

Sa panayam kay Lindy Adelantado, kapatid ng namatay na si Lynlyn Janolino na isang guro sa Lambunao National High School, sinabi nito na malaking tulong sa kanila ang nasabing financial assistance.

Ayon kay Adelantado, malaking kawalan si Lynlyn sa kanilang pamilya dahil ito ang nagsisilbing breadwinner at sumusuporta sa kanila.

Maliban sa pamilya ni Janolino, personal ding tumungo sa himpilan ng Bombo Radyo Iloilo ang iba pang pamilya ng mga namatay upang tanggapin ang tulong.

Naglaan ang foundation ni Donya Olivia Villaflores Yanson at ang bus company ng P310,000 para sa pamilya ng 31 biktima kung saan P10,000 ang tinanggap ng bawat pamilya.

Napag-alaman na pinili ng OVY Foundation at Ceres Liner ang Bombo Radyo dahil natitiyak nila na mabilis, kompleto at direktang matatanggap ng mga naiwang pamilya ng mga biktima ang financial assistance.

Tiwala rin daw sila sa Bombo Radyo sa larangan ng public service.