-- Advertisements --

Nagbabala ang samahan ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na magiging mapapinsala sa ekonomiya ng bansa sakaling matuloy ang panukalang P350 na dagdag sahod.

Paliwanag ni ECOP President Sergio Ortiz-Luis, nasa 90 porsyento kasi ng mga negosyo sa bansa ay nasa micro category, 8% ang small, 15 ay medium at mas mababa sa 1% naman ang itinuturing na large scale enterprises.

Para ma-afford ng micro enterprises ang naturang umento sa minimum wage, marami sa kanila ang kailangang ipabalikat ito sa kanilang consumers.

Inihalimbawa pa ng opisyal na ang 5% na pagtaas sa sahod ay katumbas ng 1.2% na karagdagan sa inflation kung saan ang hinihinging P100 dagdag na sahod ay katumbas naman ng 15 hanggang 20% inflation habang sa panukalan P350 na umento sa sahod na katumbas ng 50% ng existing salary ay lalagpasan na aniya ang 8% na pinakamataas na inflation ng Pilipinas.

Matatandaan na inaprubahan na ng Senado kamakailan ang P100 minimum wage adjustment, kung saan sa panig naman ng Kamara, sinabi nito na hindi umano sapat ang naturang halaga at ikinokonsidera na taasan pa ito mula sa P150 hanggang P350 kada araw.

Subalit binigyang diin naman ni Ortiz-Luis na tanging 16% o 8 million ng 52 million manggagawa sa bansa ang maaaring direktang mabenepisyuhan mula sa minimum wage increases habang ang pagsipa naman ng inflation ay makakaapekto sa bawat Pilipino.