-- Advertisements --
image 41

Nagpahayag din ng pagtutol ang grupo ng mga mangingisdang Pilipino sa inilabas na bagong “10-dash line” map ng China na naga-angkin sa pinagtatalunang karagatan kabilang ang West PH Sea.

Ayon kay Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya) vice chair for Luzon Bobby Roldan na ang dapat mamayani ay ang naging ruling ng international tribunal batay sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na kumikilala na saklaw ng exclusive econmic zone ng PH ang WPS.

Una rito, libu-libong mga mangingisda na sa Masinloc sa probinsiya ng Zambales ang nilisan ang pinag-aagawang Scarborough shoal, na dating nagsilbi sa loob ng ilang dekada bilang kanilang tradisyunal na pangisdaan, matapos makaranas ng harassment mula sa Chinese Coast Guard sa nakalipas na mga taon.

Ang lokasyon ng Scarborough shoal ay sa loob ng 370 kilometer ng exclusive economic zone ng Pilipinas subalit pilit na inaangkin ito ng China bilang bahagi ng kanilang teritoryo base sa kanilang 10-dash line map.

Una na ngang tinutalan ng gobyerno ng Pilipinas ang naturang mapa ng China at umapela din ang bansa sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs sa China na kumilos ng responsable at tumalima sa mga obligasyon nito sa ilalim ng Unclos at sa pinal at umiiral na 2016 Arbitral Award.