CENTRAL MINDANAO – Binawian ng kanyang buhay ang isang estudyante nang suntukin ng kanyang klasmet sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang biktima na si Jessie Peñas, 16, Grade 9 sa Pigcawayan National High School sa Pigcawayan, North Cotabato at residente ng KM 14, Barangay Poblacion, Sultan Kudarat, Maguindanao.

Ayon sa ulat ng Pigcawayan PNP na habang naglilinis ang biktima at ang 15-anyos na klasmet niya sa loob ng kanilang silid-aralan ay bigla itong nagkapikunan nang magpalitan ng maaanghang na salita.

Sinuntok ng suspek ng dalawang beses ang binatilyo at natumba sa sahig sa loob ng kanilang paaralan.

Nawalan ng malay ang biktima nang mabagok ang kanyang ulo sa semento at naligo sa kanyang sariling dugo.

Agad dinala ng mga guro ang biktima sa Pigcawayan District Hall ngunit hindi na ito umabot ng buhay.

Hinuli ng mga pulis ang suspek ngunit inilipat sa pangangalaga ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) dahil menor de edad.

Handa namang magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima sa suspek na patuloy ngayong iniimbestigahan ng Pigcawayan PNP.