KORONADAL CITY – Labis ang hinagpis ng pamilya ng isang estudyante matapos itong nagpatiwakal sa bahagi ng Prk Krislam, Barangay Simsiman, Norala, South Cotabato.

Kinilala ang biktimang si Edgardo Lallen, 15-anyos na Grade 9 student ng Norala National High School.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Police Major Nathaniel Panaguiton, hepe ng Norala-Philippine National Police, umuwi ang biktima bandang ala-1:00 ng hapon at sinabi sa kaniyang pamilya na hindi na ito mag-aaral dahil mababa ang kaniyang grado.

Batay sa imbestigasyon, hinanap nila si Edgardo matapos itong tumambay sa duyan hanggang natagpuan na lamang ang nakalambitin nitong bangkay bandang alas-5:00 na ng hapon.

Posible umanong ginamit ng binatilyo ang nylon wire bilang paraan sa pagkitil ng kaniyang sariling buhay sa isang bakanteng kuwarto sa kanilang bahay.

Sa hiwalay naman na panayam sa kaniyang kuya na si Kerbi Llalen Jr, sinabi sa kaniya ni Edgardo na hihinto na siya sa pag-aaral at nais niyang magsaka.

Ibinunyag din daw ng biktima sa kaniya na pinagtatawanan siya ng kaniyang mga kaklase dahil mababa ang kaniyang mga grado.

Pinayuhan naman umano nito ang kapatid na pag-igihan ang pag-aaral upang siya naman ang tatawa sa mga tumutukso sa kaniya pero hindi pala nakinig.