Naghain na ng request ang national government sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) para sa P540-billion provisional advance na gagamitin bilang budgetary support sa gitna ng budget deficit dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni BSP Governor Benjamin Diokno, inaasahang mareresolba ang nasabing kahilingan ng gobyerno bago matapos ang taon.
Ayon kay Diokno, ang zero interest budgetary request ng gobyerno ay tatalakayin muna ng Monetary Board (MB) at posibleng maisama na sa kanilang monetary policy ngayong araw, Oktubre 1.
Magugunitang umaabot na sa P300 billion ang halaga ng securities ang binili ng BSP mula sa Bureau of Treasury (BTr) para suportahan ang mga programa ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 pandemic.
Batay sa dokumentong inilabas ng BTr, umaabot na sa P9.615 trillion ang debt balance o pagkakautang ng national government nitong katapusan ng Agosto.
















