Inamin ngayon ni Laguna Governor Ramil Hernandez na lumapit noon sa kanya ang napaslang na si Los Baños Mayor Caesar Perez para humingi ng tulong kaugnay ng pagkakasama ng kanyang pangalan sa druglist ng pamahalaan.

Ayon kay Hernandez, wala umanong ebidensiya na sangkot nga ang alkalde sa iligal na droga.

Nang magpatulong daw si Perez sa kanya dahil sa naturang isyu ay pinayuhan na lamang niya itong hintayin ang resulta ng imbestigasyon kung talagang ito ay inosente.

Aniya, sinabi niya noon sa napaslang na alkalde na hintayin niya ang normal na proseso ng batas para malilinis ang kanyang pangalan.

Hindi naman umano sigurado si Hernandez kung ang pagkakasama ni Perez sa listahan ng mga sangkot sa iligal na droga ang dahilan ng pagpatay rito.

Pero sinabi ng gobernador na kapag may ebidensiya ang mga otoridad sa pagkakasangkot ni Perez sa iligal na droga ay dapat na raw itong ilabas ngayon.

Kagabi nang barilin si Perez sa loob ng municipal hall sa Los Banos na isa sa mga respondents sa drug-related complaint na inihain sa Department of the Interior and Local Government (DILG) noong 2019.

Naisugod pa ito sa ospital pero binawian din ng buhay.

Una rito, bumuo na ng task force ang Philippine National Police na tutuok sa kaso sa pagpatay sa mayor.

Ayon kay Col. Chitadel Gaoiran, spokesperson ng Laguna Police Provincial Police, pangungunahan ni Lt. Col. Jesson Bombasi, deputy provincial director for Operations ng Laguna police ang Special Investigation Task Group.
Mayor Perez

Sinabi ni Gaoiran, lahat ng posibleng anggulo sa pagpatay kay Perez ay kanilang tinitingnan.

Samantala, sinabi naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Brandi Usana, wala pa silang nakukuhang impormasyon sa pagkakakilanlan ng mga suspek na pumatay kay Perez.

Wala pa rin umano silang hawak na persons of interest.

Pagtitiyak ni Usana, nangangalap na sila ng ebidensya at tinutukoy na ang mastermind at mga nasa likod ng krimen.