SENATE COMMITTEE GCTA BUCOR NBP

CAGAYAN DE ORO CITY – Bumuwelta ngayon si Senate Blue Ribbon Committee chairman Senator Richard Gordon sa iginiit ni Presidential spokesperson Salvador Panelo na nahaluan ng politika ang imbestigasyon sa ninja cops issue sa Senado.

Sinabi sa Bombo Radyo ni Gordon na dapat alalahanin ni Panelo na nagmula sa Senado ang kopya ng impormasyon na pinagbatayan ni Pangulong Rodrigo Duterte ukol sa naging iskandalo sa loob ng Bureau of Corrections.

Inihayag ni Gordon na hindi sana lalabas ang malaking expose sa loob ng BuCor at maging pagkadiskubre ng shabu recycling issue na nag-ugnay sa pangalan ni PNP chief General Oscar Albayalde.

Dagdag ng senador, walang basehan ang pinagsasabi ni Panelo na nahaluan ng politika ang hindi pa natapos nila na imbestigasyon sa PNP.

Magugunitang hindi pinag-resign ni Duterte si Albayalde habang wala pang sapat na basehan sa kinaharap na mga akusasyon.