-- Advertisements --

Hindi natitinag ang gobyerno ng Pilipinas sa commitment nito na magbigay ng isang episyente at transparent na serbisyo publiko kasabay ng pagtitiyak na may hakbang ng ginagawa para labanan ang korupsiyon sa pamahalaan.

Ginawa ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang pagtitiyak na ito matapos na mapaulat na umangat ng isang ranggo ang Pilipinas mula sa ika-116 sa ika-115 pwesto sa 2023 Corruption Perception Index (CPI) ng Transparency International na nakabase sa Berlin, Germany.

Sa isang statement, sinabi din ni Exec. Sec. Bersamin na kinikilala ng pamahalaan ang naturang report na nagtulak pa sa pamahalaan para paigtingin pa ang paglaban sa mga korupt na gawain sa pamahalaan.

Ayon pa sa opisyal, gumagawa ng mga hakbang ang administrasyong Marcos gaya na lamang ng digitalisasyon para mapabilis ang epektibong pagtugon sa graft at korupsiyon.

Matatandaan na sa 2023 global corruption index, nakakuha ng puntos na 34 out of 100 ang Pilipinas. Ito y mas mataas kumpara sa puntos na nakuha ng ating bansa na 33 noong 2022 corruption Perception Index bagamat mas mababa ito sa average score na 43.

Ang puntos ng bawat bansa ay base sa nakitang lebel ng public sector corruption kung saan 0 ang itinuturing na highly corrupt o mataas ang lebel ng korupsiyon sa isang bansa habang 100 naman ay itinuturing na very clean o walang bahid ng korupsiyon.