-- Advertisements --

Tutugunan nang may buong pwersa ang anumang pagtatangkang ihiwalay ang Mindanao mula sa PH habang nananatiling matatag sa pag-secure ng soberanya at integridad ng ating teritoryo.

Ito ang naging tugon ng National Security Council matapos ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas sa pamamagitan ng isang proseso na batay sa pangangalap ng mga lagda.

Sinabi ni National Security Adviser Secretary Eduardo Año na hindi magdadalawang-isip ang pamahalaan na gamitin ang awtoridad nito at pwersa para sugpuin at pigilan ang lahat ng pagtatangka na ihiwalay ang anumang parte ng PH.

Saad pa nito na nakasalalay sa ating pagkakaisa ang lakas ng ating bansa at ang anumang pagtatangka ng pagkakahati nito ay dapat na itakwil ng lahat ng sektor ng walang alinlangan.

Kailangan din aniyang itaguyod ng lahat ng Pilipino ang mga prinsipyong nakasaad sa ating Konstitusyon na nagtataguyod ng pagkakaisa at integridad ng teritoryo ng ating bansa.

Gayundin, ang anumang mungkahi ng paghihiwalay ay hindi lamang sumasalungat sa Saligang Batas kundi nagbabanta din na bawiin ang pinaghirapang tagumpay sa pag-abot ng kapayapaan at kaunlaran partikular na sa Mindanao.

Samantala, una ng sinabi ni dating Pang. Duterte na si Davao del Norte Representative Pantaleon Alvarez ang unang nagtulak para sa paghihiwalay ng Mindanao sa Republika ng Pilipinas.

Una naman ng tinutulan ng mga opisyal sa Maguindanao del Sur, Sultan Kudarat at Camiguin ang ideya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas.