CAUAYAN CITY – Nasa kritikal na kondisyon ang isang ginang makaraang barilin ng kanyang bayaw sa barangay Cabannungan, Ilagan City.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Ilagan City Police Station, ang biktima ay si Ginang Mary-Ann Paguirigan habang ang suspek ay si Noel Paguirigan, 35 anyos kapwa residente ng nasabing barangay.

Una rito ay nagkaroon ng pagtatalo sa pagitan ng biktima at asawa ng suspek na si Karen Paguirigan sanhi para umawat si Noel.

Sa halip na tumigil ang biktima ay pinagsalitaan ng masasakit na salita ang suspek sanhi para barilin ang kanyang hipag.

Tinamaan sa kanang tiyan ang biktima na agad dinala sa pagamutan habang sumuko sa kanilang punong barangay ang suspek na ipinasakamay sa himpilan ng pulisya.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inamin ni Noel Paguirigan na matagal nang silang may alitan ng biktima.