Napag-alaman ng Hennepin County Medical Examiner na positibo sa coronavirus disease ang African-American na pinatay ng mga dating myembro ng kapulisan sa Minneapolis.

Batay sa bagong autopsy report na isinapubliko ng mga otoridad, nakumpirma sa postmortem nasal swab sa bangkay ni George Floyd na mayroon itong COVID-19 at siya ay asymptomatic.

Ayon naman sa datos na inilabas ng Minnesota Health Department, lubhang apektado ng pandemic ang mga black Americans na nakatira sa Minnesota kung saan 5.3% ng populasyon sa estado ay binubuo ng mga ito. Naitala rin ng ahensya na 22% ng populasyon ng Minnesota ang COVID-19 positive.

Nakasaad din sa toxicology report na mayroong nakitang fentanyl at methamphetamine sa dugo ni Floyd maging cannabis compound at morphine ngunit hindi raw ito ang dahilan ng pagkasawi ng biktima.

Binigyang-linaw ng isang medical examiner na namatay si Floyd dahil sa cardiopulmonary arrest ngunit iba ito sa inilabas na autopsy report ng pamilya ni Floyd kung saan nabatid na asphyxia ang totoong sanhi ng pagkamatay nito dahil sa tuhod na nakapatong sa kaniyang leeg kung kaya’t nahirapan itong huminga.