-- Advertisements --
GALVEZ 11052020
IMAGE | National Task Force against COVID-19 chief implementer and vaccine czar Ret. AFP chief Carlito Galvez Jr./Screengrab from PTV

Bumubuo na raw ng national vaccine roadmap ang hanay ni Sec. Carlito Galvez Jr. kasunod ng kanyang appointment bilang vaccine czar.

“Sa ngayon ang pinaka-importanteng ginagawa namin ay magkaroon tayo ng Philippine national vaccine roadmap. Bubuo tayo ng core group para maayos ang organisasyon from national to local government,” ani Galvez sa Laging Handa public briefing.

Binubuo raw ng pitong stages ang roadmap at kasama ni Galvez na bumalangkas nito ang ilang eksperto sa bakuna, logistics, information, diplomacy at procurement.

Nakausap na rin umano ng opisyal ang ilang kawani ng Department of Health (DOH) kaugnay ng gagawing distribusyon ng COVID-19 vaccines. Pati ang mga opisyal ng Department of Science and Technology para naman sa isasagawang clinical trial ng mga bakuna.

“Nagkaroon na kami ng meeting kahapon ni Usec. (Maria Rosario Vergeire) at Usec. (Myrna) Cabotaje, na in-charge sa immunization program. Napakataas ng kanyang experience at ibinigay niya sa amin yung immunization plan ng DOH.”

Ayon kay Galvez, posibleng sa Mayo pa ng 2021 masimulan ang pamamahagi ng bakuna. Pero naka-depende pa raw ito sa bilis ng development sa mga pinag-aaralan ngayon na COVID-19 vaccine, at pandaigdigang demand.

“Ang best case scenario na magkaroon tayo ng clinical trials is first quarter, and then later just in case magkaroon ng mass production ay pwede tayo by the mid of 2021. But to be realistic kailangan tumingin tayo at the worst case scenario na before the end of 2021.”

Sa kabila nito tiniyak ng vaccine czar na mabibigyan ng access ang mga Pilipino kapag mayroon nang bakuna ng COVID-19 sa bansa.

Nitong Miyerkules nang ilabas ng Malacanang ang Executive Order ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagbibigay ng price cap sa isinasagawang COVID-19 test.

DISTRIBUTION STRATEGY

May paglilinaw naman si Galvez sa gitna ng mga pangamba na posibleng military strategy ang gamitin sa pamamahagi ng bakuna.

Noong Hulyo nang sabihin ni Duterte na gusto niyang militar ang mag-distribute ng mapipiling bakuna para sa mga Pilipino.

“Ang gagawin natin ay tinatawag na ‘spokes and hub’ strategy dahil napaka-sensitibo ang cold chain storage at kailangan magkaroon ng magandang logistics plan,” ani Galvez.

Batid daw ng opisyal ang pagiging sensitibo sa temperatura ng mga bakuna, kaya naman tatlong portfolio raw ang inihahanda nila para maging cold storage.

“Yung tinatawag na 2 to 8 degrees. Atsaka yung sub-zero na negative 20 (degrees), atsaka yung negative 80 storages.”

Magiging katuwang ng hanay nina Galvez ang iba pang ahensya ng gobyerno para matiyak na hindi mapupulitika ang distribusyon ng bakuna.