-- Advertisements --

Magpapatupad ng mahigpit na restrictions sa galaw ng mga menor de edad ang mga alkalde sa Metro Manila, ayon kay Metro Manila Council chairman at ParaƱaque City Mayor Edwin Olivarez.

Ito ay para na rin maiwasan aniya na magkaroon ulit ng panibagong surge ng COVID-19 infections matapos na ibinaba sa Alert Level 3 ang alert status sa National Capital Region kasunod nang bahagyang pagbaba ng mga naitatalang bagong infections.

Sinabi ni Olivarez na ang mga bata ay posibleng maging “superspreaders” ng virus bukod pa sa hindi pa sila bakunado kontra COVID-19.

Nauna nang ipinagbawal ng pamahalaan ang paglabas ng mga bata sa kanilang bahay sa pangamba na rin ng ilang eksperto na posibleng ang mga ito pa ang siyang makapagpakalat ng virus.

Ngayong nasa ilalim na ng Alert Level 3 ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng kasalukuyang buwan, sinabi ni Olivarez na ang mga edad 18 pababa ay papayagan lamang makalabas pero para sa essential activities.

-- Advertisement --

Papayagan din silang makabiyahe kung mayroon silang part-time work at para makapag-ehersisyo pero dapat sa loob lamang ng kanilang barangay.

Paglilinaw pa ni Olivarez, bawal pa rin ang mga bata sa loob ng mga malls at sa mga dine-in services ng mga restaurants.

Pinapaalalahanan naman niya ang mga business establishments na striktong ipatupad ang health protocols, tulad ng 30 percent maximum para sa dine-in services para sa mga fully vaccinated nang indibidwal.