Iminungkahi ng isang kongresista na magpatupad ng four-day work scheme para masolusyunan ang problema sa trapiko sa EDSA.
Sa isang panayam, sinabi ni Baguio City Rep. Mark Go na ang panukalang ipagbawal ang mga provincial buses ay kakaunti lamang ang maitutulong sa matagal nang problema sa trapiko sa EDSA.
Kaya naman kanyang inihain muli ang panukalang batas sa Kamara na nagpapahintulot sa pagkakaroon ng compressed work week, na inaprubahan ng dalawang kapulungan ng Kongreso pero hindi naging ganap na batas makaraang hindi magkasundo ang Senado at Kamara sa pagkakaiba ng dalawang bersyon.
Nauna nang iminungkahi ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipagbawal ang provincial buses sa EDSA at ninais ding ipasara ang lahat ng 47 provincial bus terminals para mabawasan ang traffic congrestion sa naturang highway.
Subalit, pansamantalang sinuspinde ng ahensya ang dry run ng ban dahil kasunod nang paglalabas ng kautusan mula sa isang korte.
Ayon kay Go, sa 367,728 sasakyan na dumadaan sa EDSA araw-araw, tanging 5,000 hanggang 6,000 lamang ang mula sa mga probinsya, o nasa dalawang porsiyento lamang ng buong bulang.
Bukod dito, sinabi rin ng kongresista na ang proposed terminals sa Valenzuela, Laguna at Parañaque kung saan maaring magbaba ng mga pasahero ay hindi pa kompleto ang mga kagamitan.