LEGAZPI CITY – Panibagong tulong ang ipinagkakaloob ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa mga naapektuhan ng magkasunod na Bagyong Tisoy at Ursula.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay DSWD-Bicol Director Arnel Garcia, tapos na aniya ang kanilang tulong sa disaster response kaya food for work na ang iniaalok sa mga ito.

Kapalit ng food packs na matatanggap, kailangan munang tumulong sa paglilinis ng mga residente sa mga barangay na sinalanta ng bagyo.

Subalit handa namang tumanggap ng mga request ang ahensya sa relief goods sakaling kailanganin pa ng asistensya ng mga lokal na pamahalaan.

Pagbabahagi pa ni Garcia, nasa 4, 000 pamilya na naantala sa Matnog Port mula noong bisperas ng Pasko ang nahatiran ng food packs kaagapay ang Matnog Local Government Unit.

Tiniyak din nito ang tulong sa mga nasiraan at nawalan ng kabahayan mula sa alokasyon ng Department of Budget and Management.