ILOILO CITY – Hindi nag-atubili ang Florete Group of Companies na bigyan ng libreng COVID-19 vaccine ang mga libo-libong mga empleyado sa ilalim ng kumpanya.

Ito ay kasunod ng panawagan ni Iloilo City Mayor Jerry Treñas sa mga pribadong kumpaniya na bigyan ng tested, proven at de kalidad na bakuna ang kanilang mga empleyado bilang tulong sa gobyerno.

Ayon kay Dr. Rogelio Florete, Chairman ng Florete Group of Companies, matapos nitong narinig ang panawagan ng alkalde, hindi siya nagdalawang-isip sa pagdesisyon na pabakunahan ang lahat ng mga regular na empleyado ng kumpaniya.

Sinabi ni Dr. Florete na marami ang gastusin ng lungsod ng Iloilo at ng pamahalaan at hindi na niya nais pang dagdagan ang pasanin ng alkalde at maging sa mga empleyado na gagastos pa para sa bakuna.

Dalawang shots ng COVID-19 vaccine ang ibibigay ng libre ni Dr. Florete at malaking tulong ito upang hindi na magkasakit ang mga empleyado ng kumpaniya.

Nanawagan din si Dr. Florete sa iba pang mga kumpaniya na tugunan ang panawagan ng alkalde.

Samantala, nagpasalamat naman si Iloilo City Mayor Treñas kay Dr. Rogelio Florete sa pagtugon sa kanyang panawagan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Treñas, sinabi nito na malaking tulong ang desisyon ni Dr. Florete na bigyan ng libreng COVID-19 ang mga empleyado ng Florete Group of Companies.

Ayon sa alkalde, kapag mabakunahan na ang 70% ng mga tao lungsod, tiyak na magkakaroon ng population immunity at maaaring makalabas na ng bahay ang mga tao nang hindi nagsusuot ng face mask at face shield.

Napag-alaman na maglalaan ang lungsod ng 200 million pesos para bumili ng vaccines para sa 500 thousand na mga residente ng lungsod at target ay ang 75% ng populasyon.

Dahil sa napalaking halaga na gagastusin ng lungsod, pinulong ng alkalde ang malalaking mga negosyante sa Iloilo upang tumulong at mabawasan ang pressure sa gobierno at dito na tumugon si Dr. Florete, Chairman ng Florete group of companies na tutulong sa gobyerno sa pamamagitan ng pagprocure ng bakuna para sa mahigit isang libong mga empleyado sa 24 na mga lungsod sa Pilipinas na mayroong Bombo Radyo at Star FM stations.