-- Advertisements --

Binibigyan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang mga Filipino seafarers ng karapatang tumangging maglayag sa Strait of Hormuz at ibang delikadong bahagi ng Gitnang Silangan matapos ideklara ang mga ito bilang “warlike operations areas”, ayon kay Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac.

Sa advisory na nilagdaan noong Sabado, Marso 6, isinama rin ang Persian Gulf at Gulf of Oman sa pinakamataas na risk level para sa mga tripulante.

Ang hakbang ay alinsunod sa rekomendasyon ng Warlike Operations Area Committee ng International Bargaining Forum, na nag-uugnay sa mga maritime employers at seafarers’ unions para sa usapin ng sahod, benepisyo, at kondisyon sa trabaho.

Bukod sa karapatang tumangging maglayag, kasama sa proteksyon ang repatriation sa gastos ng kumpanya at dobleng compensation sakaling may mangyaring aksidente.

Pinayuhan din ang mga shipowners na palakasin ang seguridad sa kanilang mga barko.

Kinumpirma ni Cacdac na may ulat ng mga Filipino seafarers na naka-angkla sa Strait of Hormuz at tiniyak niyang nakikipag-ugnayan ang DMW sa mga licensed manning agencies at shipowners upang mailikas ang mga ito nang ligtas.

Ang digmaan sa pagitan ng US, Israel, at Iran ay nagdulot ng suspension ng halos 1/5 na bahagi ng global crude at natural gas supply, habang pinupuntirya ng Tehran ang mga barko sa Strait of Hormuz at iba pang energy infrastructure sa rehiyon.

Ito rin ang nagpaangat ng presyo ng langis sa mundo ng higit sa 25%, na nagdudulot ng mas mataas na presyo ng gasolina.

Dahil sa halos pagtigil ng operasyon sa strait, napilitang itigil ng mga pangunahing producer ng langis (Saudi Arabia, UAE, Iraq, at Kuwait) ang pagpapadala ng tinatayang 140 milyong bariles ng langis sa mundo.