Ipinapaalala ng Food and Drugs Administration (FDA) na kailangan ng prescription ng doktor bago gumamit ng ivermectin.

Sinabi ito ni FDA Director General Eric Domingo matapos inanunsyo nina House Deputy Speaker Rodante Marcoleta at Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor na ilulunsad nila sa mga susunod na araw ang kanilang binansagang “Ivermectin Pan-Three.”

Ayon kina Marcoleta at Defensor, sa darating na Abril 29 ay mamamahagi sila ng anti-parasitic drug na Ivermectin sa mga umano’y “labis na nangangailangan.”

Pero iginiit ni Domingo na hindi dapat basta-bastang ipapamigay ang Ivermectin dahil kailangan na ma-check muna ng isang doktor ang bibigyan na indibidwal.

Nabatid mula sa mga kongresista na ang bawat benepisyaryo ay makakatanggap ng hindi bababa sa tatlong kapsula o tableta ng Ivermectin

Bukod sa Ivermectin Pan-Three, sinabi nina Marcoleta at Defensor na patuloy silang mamamahagi ng anti-parasitic drug na ito sa mga barangay sa Quezon City.

Una rito, kinumpirma ng FDA na limang ospital na ang nabigyan ng “special compassionate permit” sa paggamit ng Ivermectin para sa mga pasyenteng tinamaan ng COVID-19.