Nilinaw ng Food and Drug Administration (FDA) na hindi maaring basta gawin ng sarili sa bahay ang COVID-19 test kits na ginawa ng University of the Philippines.

Sa isang panayam, sinabi ni FDA Director General Eric Domingo na ang naturang mga test kits ay hindi katulad ng pregnancy kits na maaring isagawa ng kahit sinong indibidwal.

Iginiit ni Domingo na bukod sa magkaiba ang proseso sa dalawa, ang test kits para sa COVID-19 ay kailangan na dumaan sa pagsusuri sa laboratoryo.

Bukod dito, ang pregnancy-type test kits ay “very sensitive” na maaring magdulot ng inaccurate data.

“Wala po’ng ganoon. Wala po’ng mga pregnancy test kit type na mga testing for COVID-19 na available po sa atin, na registered po sa atin,” giit ni Dominggo.

Noong nakaraang linggo, namahagi ang mga health authorities ng ilang daang libong COVID-19 test kits sa ilang piling ospital sa bansa bilang bahagi ng field testing.

Ayon kay Domingo, ang test kits na ito, na sinasabing makapagbibigay ng resulta sa loob lamang ng halos dalawang oras, ay kasalukuyang bina-validate pa.

Sa ngayon, hindi pa aniya siya makapagbibigay ng specific time sa kung kailan matatapos ang validation process sa halip ay nagpahayag na lamang nang pag-asa na makumpleto na ito ngayong linggo.

Nauna nang nagbabala si Domingo hinggil sa pagbili ng COVID-19 test kits na ibinibenta sa mga pamilihin dahil hanggang sa ngayon ay wala pa aniyang rehistradong test kits para sa commercial distribution.