Reading Time: 1 minute
vALLACAR CERES BACOLOD

BACOLOD CITY – Magsasampa ng kaso ang tinaguriang Fantastic 4 ng Yanson siblings kasunod ng pagpigil sa dalawa sa mga ito na makapasok sa main office ng Vallacar Transit Inc. sa lungsod ng Bacolod kahapon.

Sa kumpirmasyon ni Atty. Raul Bitoon, spokesperson ng Fantastic 4 na kinabibilangan nina Roy, Ma. Celina, Emily at Ricardo Jr., sinabi nito na tinatrabaho na ng kanilang mga abogado sa Maynila ang kaso laban sa kampo ng kanilang kapatid na si Leo Rey Yanson (LRY).

Maalalang nagpa-blotter sa Police Station 7 sina Ma. Celina at Emily kahapon matapos harangin ng mga guwardiya na makapasok sa main office sa Brgy. Mansilingan kasunod na rin sa utos ng kinudeta na presidente at chief executive officer ng Yanson Group of Bus Companies na si Leo Rey.

Si Emily ang corporate secretary at pinuno ng administrative section ng Vallacar Transit Inc. samantalang si Celina naman ang finance officer ng kompaniya.

Samantala nirerespeto naman ng kampo ni LRY ang mga legal na hakbang ng apat.

Sa panayam sa abogado ni LRY na si Atty. Gerry Llena, sinabi nito na karapatan naman ng apat na gumawa ng anumang legal na hakbangin.

Ngunit nanindigan si LRY na hindi na nila gustong dagdagan ang tensyon kaya hindi na nila pinapasok ang dalawa sa main office.

Ito ay kasunod ng pagkadiskubre ng umano’y mga molotov bombs at ibang pang mga gamit sa main office matapos na nabawi nila ang kontrol nitong nakaraang Sabado.