Hindi na ipinapayo sa ngayon ng pamahalaan ang home quarantine para sa mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 (Coronavirus Disease 2019).
Sa isang panayam, sinabi ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na ang naturang hakbang ay mahalaga para mabasawan na rin ang posibilidad nang pagkahawa ng mga COVID-19 positive patients sa kanilang mga kasama sa bahay.
Ayon kay Nograles na tumatayo rin bilang co-chairperson ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), mas mainam na sumailalim na lang ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa facility quarantine.
Mas malaki kasi aniya ang tiyansa na mahawa sa COVID-19 ang iba pang kasamahan sa bahay kung magho-home quarantine ang isang tao na nagpositibo sa sakit kahit pa mag-isolate ito ng kanyang sarili sa hiwalay na silid.
“So we’re now shifting na kung mahawa, kahit asymptomatic, mas bibigyan ng priority na doon mag-facility quarantine. Anyway, marami pa naman tayong mga facilities na maka-accommodate ng mga mild cases,” saad ni Nograles sa isang panayam.
“‘Yun ang ating mas ifo-focus ngayon na hindi na masyado doon sa home quarantine. Kung merong mga cases, dapat facility quarantine na sila,” dagdag pa nito.
Mababatid na kahapon, Hulyo 11, pumalo na sa 54,222 ang kaso ng COVID-19 sa bansa, ayon sa Department of Health.
Ang recoveries naman ay nasa 14,037 na, habang ang death toll ay 1,372.