Mariing pinabulaanan ni House Committee on Constitutional Amendments chairperson Rep. Rufus Rodriguez ang mga akusasyon na “self-serving” ang inaprubahan nilang Charter Change (Cha-Cha) resolution na naglalayong palawigin ang termino nilang mga kongresista.

Binigyan diin ni Rodriguez na hindi magbebenepisyo ang mga incumbent lawmakers sa amiyendang ito sa Saligang Batas dahil sa oras na maaprubahan ay ipapatupad ito pagkatapos ng halalan.

“It is not also self-serving. If this will be approved, it will not serve us because it will be implemented after the election,” ani Rodriguez.

Magugunita na noong nakaraang linggo ay inaprubahan ng komite ni Rodriguez ang Resolution of Both Houses, na naglalaman ng ilang kontrobersiyal na probisyon tulad ng pagpapalawig sa termino nilang mga mambabatas.

Sa kasalukuyan, mayroong tatalong taon na termino ang mga kongresista at maaring manilbihan sa bayan ng tatlong magkakasunod na termino.

Subalit ngayon pa lamang, iginiit ni Senate President Vicente Sotto na hindi pursigido ang Senado na talakayin ang naturang resolusyon.

Pero ayon kay Rodriguez, maiksi kung tutuusin ang tatlong taong termino nilang mga kongresista kaya umaapela siya sa mga senador na panatilihing bukas ang kaisipan patungkol dito.

“We have already requested and we appealed to our dear senators to keep an open mind and look at the four proposals,” dagdag pa nito.